2 pulis arestado dahil sa pangingikil

Kalaboso ang dalawang pulis Maynila, habang iniimbestigahan ang apat na iba pa dahil sa reklamong pangingikil.

Nakilala ang dalawang pulis na sina PO1 Erdie Bautista at PO1 MJ Cerilla na kapwa nakadestino sa Manila Police District – District Special Operations Unit (MPD-DSOU).

Ayon kay MPD District Director Chief Superintendent Rolando Anduyan, dumulog sa himpilan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) sa Kampo Krame ang kaanak ng isang suspek sa human trafficking.

Ayon umano dito, hinihingan sila ng P100,000 kapalit ng kalayaan ng kanilang kamag-anak. Ibinaba pa sa P50,000 ang hininging pera ng mga pulis.

Dito na nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis kung saan sa MPD headquarters mismo nagkaroon ng palitan ng pera.

Ngunit ayon sa hepe ng DSOU na si Police Chief Inspector Joselito Ocampo, dokumentado ang kanilang operasyon kontra human trafficking.

Pero ayon naman kay Anduyan, wala silang natanggap na report ukol sa nasabing operasyon.

Dahil dito ay mahaharap sina Bautista at Cerilla sa kasong robbery/extortion, habang tinanggal na rin sa pwesto si Ocampo.

Read more...