Benguet at bayan ng Caba sa La Union, tutulungan ng City Government ng San Juan

guia gomez finalAng mga bayan ng Caba sa La Union at ang Benguet na kabilang sa pininsala ng bagyong Lando ang tutulungan ng Pamahalaang Panglungsod ng San Juan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay San Juan Mayor Guia Gomez, sinabi nito na batay sa kakayanan ng kanilang lungsod ay nakikita niyang mas angkop na tulungan nila ang bayan ng Caba na kung saan nasa 866 ang bilang ng pamilyang apektado ng bagyong Lando. “May matching kasi kaming ginawa at one year at maliit na siyudad ang San Juan, at yung sustainability ng tulong for one year ang kailangang ikunsidera, so sa matching, yung Caba sa La Union ang tutulungan namin,” paliwanag ni Gomez.

Maliban sa bayan ng Caba sa La Union, tutulungan din ng San Juan ang Benguet dahil sa matagal na nilang ugnayan dito bilang sister province ayon kay Gomez.

Bilang paunang tulong ay nagsimula na ang mga volunteers ng San Juan na mag-repack ng mga relief goods na dadalhin sa mga lugar na napiling tulungan ng lokal na pamahalaan ng San Juan ayon pa sa alkalde.

Ang bawat siyudad at bayan sa Metro Manila ay hinikayat ng Metro Manila Development Authority na tumulong sa mga bayan at siyudad na napinsala ng bagyong Lando sa malaking bahagi ng Luzon

Read more...