Nanindigan si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na walang magiging problema kahit hindi nasunod ang mga probisyon sa isinumiteng bersyon ng Bangsamoro Transition Commission para sa Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Zubiri, base sa pahayag ng Moro Islamic Liberation Front ay umaabot sa 80 hanggang 90 percent compliant sa Comprehensive Agreement to the Bangsamoro ang nabalangkas na BBL proposal ng bicameral conference committee.
Sinabi nito na masaya siya sa bersyon na kanilang nabuo.
Gayunman, iginiit nito na hindi lahat ng nasa BTC version ng BBL ay dapat masunod.
Nagpapatuloy pa rin naman ang talakayan ng bicameral conference committee sa BBL dito sa isang hotel sa Ortigas Center.
Samantala, ibinabala naman ni Bangsamoro Transition Commission Chairman at MILF Vice Chairman Ghazali Jaafar na tututulan nila ang Bangsamoro Basic Law na nakatakdang aaprubahan ng bicameral conference committee ngayong araw.
Ayon kay Jaafar, hindi nila susuportahan ang BBL kapag hindi sinunod ng bicam ang bersyon na kanilang inihain base sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. Iginiit nito na kaduda-Duda ang pabago-bagong opinyon ng mga miyembro ng bicam na posibleng mauwi din sa pagbawi nila ng suporta sa BBL.
Ayaw naman sabihin ni Jaafar ang mga kasunduan na nakuha nila at pinaburan ng bicam dahil patuloy pa ang diskusyon tungkol dito.
Noong nakaraang Linggo ipinagmalaki ni Jaafar na hindi ‘watered down’ ang BBL dahil kuntento na sila sa mga probisyong napagkasunduan sa bicam.