Nakahanda na ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa anumang masamang epekto na maaaring idulot ng Habagat at Bagyong Henry sa mga transmission facilities.
Ayon sa ahensya, plantsado na ang kanilang pasilidad ng komunikasyon, pagkakaroon ng mga kagamitang kailangan sa pagkukumpuni ng maaaring masirang pasilidad, at gayundin ang pagpuwesto ng mga line crews sa ‘strategic areas’ na maaring daanan ng bagyo.
Sinabi ng NGCP na ang mga ito ay nakasaad sa kanilang Integrated Disaster Action Plan (IDAP).
Sa ngayon, nananatili pa namang normal ang operasyon ng mga transmission lines ng NGCP.
Samantala, nakamonitor pa rin ang kanilang Overall Disaster Command Center sa mga gawaing ukol sa pagkukumpuni ng mga pasilidad at pagbabalik ng kuryente.
Nakaantabay din sila sa mga pag-uulat at kaganapan partikular na sa bahagi ng Luzon, na tinumbok ng Bagyong Henry.