UP Diliman, ikinabahala ang ‘surveillance’ ng militar sa loob ng campus

 

 

Mula sa inquirer.net

Ikinabahala ng pamunuan ng University of the Philippines Diliman ang umano’y pagmamatyag ng mga tauhan ng militar sa loob ng kanilang campus.

Sa pahayag na inilabas ni UP Chancellor Michael Tan, ipinahiwatig nito ang pag-aalala dahil ito ay pag-labag sa kasunduan sa pagitan ng unibersidad at ng Department of National Defense noong June 30, 1989 na pinirmahan nina dating UP President Jose V. Abueva at ng dating Defense Sec. Fidel Ramos.

Ang tinutukoy ni Tan ay ang insidenteng nangyari noong Miyerkules kung saan anim na kalalakihan na pinaniniwalang tauhan ng mga militar na sakay ng dalawang motorisklo, Toyota Innova at isa pang sasakyan ang hinuli ng UP Diliman Police at ng Special Services Brigade ng pamantasan dahil sa mga kahinahinalang pagkilos.

Nagkaroon ani Tan ng pagkakataon ang SSB at ang UP Diliman Police na kwestyunin ang mga kalalakihan at ang isa sa kanila ay nagpakilalang opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Gayunman, tumanggi naman itong magbigay ng iba pang detalye at nanatiling unidentified naman ang lima nitong kasama.

Dinala ng mga tauhan ng UP security ang anim sa Quezon City Police Department kung saan ipinaubaya na nila ang kaso.

Ayon naman sa official student publication ng UP na The Philippine Collegian, nagsasagawa umano ng ‘surveillance work’ ang mga ito sa loob ng campus.

Ito ay base sa impormasyong kanilang nakuha mula sa tatlong testigo na kabilang sa mga nag-oorganisa ng solidarity camp na dadaluhan ng 700 na Lumads na gaganapin sa October 26.

Nabanggit rin sa ‘The Collegian’ na bineripika ng isang SPO2 Pedro Walawala ng QCPD, na nagsasagawa ang mga nahuling AFP personnel ng operasyon upang mahanap ang isang target na hinihinalang nasa loob ng campus.

Iginiit ni Tan na posibleng lumalabag na ang DND sa kanilang kasunduan na dapat ay ipaalam muna sa pamunuan ng pamantasan ang kahit anong operasyon ng militar sa anumang campus nila bago ito isagawa, ngunit wala naman umano silang natanggap na request mula sa kagawaran.

Read more...