Naghain ng petisyon sa Court of Appeals ang mga abogado ni Dalia Pastor, ang misis ng pinaslang na race car driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor, na ibasura na ang kasong isinampa laban sa kaniya maging ang kautusan ng Quezon City court na ipaaresto siya.
Sa nasabing petisyon, inilaban ng mga abogado ni Dalia na grave abuse of discretion ang pag-uutos ng hukom na ipaaresto si Dalia, at dapat nang i-dismiss ang kaniyang kaso dahil ang tanging ebidensyang hawak nila ay mula rin sa isang akusado na kalaunan ay binawi rin ang kaniyang mga testimonya.
Noong Pebrero, nakakita ang Department of Justice (DOJ) ng mga ebidensyang nag-uugnay kina Dalia at sa hinihinalang kalaguyo niya na si Domingo “Sandy” de Guzman III, na posibleng nagsabwatan para patayin si Pastor noong June 12, 2014.
Inilabas ni Judge Lita Tolentino-Genilo ng Quezon City Regional Trial Court ang kautusan na arestuhin si Dalia noon pang March para sa kasong parricide, na iniugnay din sa kasong murder laban kay de Guzman sa ilalim ni Judge Luisito Cortez ng QC RTC Branch 85.
Sa sumunod na buwan, naglabas na rin ng warrant of arrest si Cortez laban kay de Guzman sa kasong murder.
Dagdag pa ng mga abogado, walang kinalaman si Dalia sa krimen na inaakusa sa kaniya ngunit agad nang inimplika ng prosekusyon na may sabwatan sa pagitan nina Dalia, Sandy at PO2 Edgar Angel na isa rin sa mga akusado.
Si Angel ang hinihinalang gunman sa nasabing insidente na nagbigay ng kaniyang mga pahayag ngunit binawi rin ito at sinabing napilitan lamang siyang magsalita.