Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang pinaslang na si Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan.
Isang linggo matapos itong tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek ay inilibing na ang mga labi ng bise alkalde sa St. Jude Memorial Park.
Higit 3,000 katao kabilang ang pamilya at mga taga-suporta ang nakiisa sa funeral rights na pawang nakasuot ng mga puting t-shirt at itim na laso sa kanilang mga braso.
Panawagan ng mga residente ang hustisya para sa pinaslang na 44-anyos na opisyal.
Isang misa rin ang idinaos bago ang funeral march.
Kabilang sa mga dumalo sa burol ni Lubigan si Cavite Vice Governor Jolo Revilla na nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng pumanaw na opisyal.
Si Lubigan ang ikatlong lokal na opisyal na pinaslang sa loob lamang ng isang linggo matapos ang pagpatay kina Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili at Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Tinitingnan ng mga awtoridad ang pulitika bilang motibo sa pagpatay sa opisyal.