Simbahang Katolika naglaan ng P13.2M na tulong sa mga nasalanta ni Lando

pope-francis-tagle-0116
Inquirer file photo

Maglalaan ang simbahang katolika ng P13.2Million bilang donasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Lando.

Pangunahing mangangasiwa sa pamamahagi ng tulong ang National Secretariat for Social Action o NASSA, ang social action arm ng simbahang katolika.

Partikular na ipamamahagi ng NASSA katuwang ang Caritas Philippines ang mga ready-to-eat food, water, hygiene kits, emergency shelter, at mga non-food items tulad ng kumot, banig at kulambo.

Ayon kay NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Edwin Gariguez, partikular na pagkakalooban nila ng tulong ang mga matatanda, mga may kapansanan, single parents at mga may sakit higit lalo na sa mga lugar na malubhang sinalanta ng kalamidad.

Samantala, nagpasalamat naman ang simbahan sa agarang pagtugon ng mga kasapi ng Caritas Network sa buong mundo sa kanilang apela para tulungan ang mga nangangailangan.

Partikular na tututukan ng pamamahagi ng ayuda ng simbahan ang labing limang mga probinsya na nasasaklawan ng ibat-ibang mga diyosesis sa Central at Southern Luzon, Cagayan Valley, Cordillera, CAR, Ilocos at Calabarzon.

Ang Global Caritas Internationalis na may isandaan at animnapu’t limang mga miyembrong bansa sa buong mundo ay kasalukuyang pinamumunuan ng kauna-unahang Asian President nito na Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Read more...