Binabantayang LPA isa nang bagyo, pinangalanang ‘Henry’

Namuo na bilang isang ganap na bagyo ang low pressure area na binabantayan sa Silangan ng extreme Northern Luzon.

Sa 11pm bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyong pinangalanang ‘Henry’ sa layong 670 kilometro Silangan-Timog-Silangan ng Basco Batanes.

Taglay ng tropical depression ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras sa direksyong Kanluran-Timog-Kanluran.

Nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:

– Batanes
– Hilagang bahagi ng Cagayan kasama na ang Babuyan ISlanda
– Hilagang bahagi ng Apayao
– at Hilagang bahagi ng Ilocos Norte

Makararanas ng mga paminsan-minsang malalakas na ulan at hangin ang mga naturang lugar.

Samantala, uulanin din ang Bataan, Batangas, Cavite, Mindoro Provinces, Palawan, Zambales at Western Visayas bunsod ng hanging Habagat.

Makararanas din ng kalat-kalat na pag-uulan, pagkulog at pagkidlat ang Metro Manila, natitirang bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, Marinduque at Romblon dahil pa rin sa Habagat.

Read more...