Sinibak ng Ombudsman sa kanyang puwesto si Capiz Gov. Victor Tanco Sr. at ang kanyang anak na si Vladimir dahil sa pangingikil ng P3Million sa isang building contractor sa kanilang lalawigan.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na bukod sa pagkakasibak sa pwesto ay hindi na rin papayagang manungkulan sa anumang posisyon sa pamahalaan ang mag-amang Tanco.
Hindi na rin makukuha nang mag-ama ang lahat ng kanilang mga benepisyo na dapat tanggapin dahil sa paglilingkod sa pamahalaan.
Base sa imbestigasyon ng Ombudsman, noong September 19 2011 ay initusan ni Gov. Tanco ang kanyang anak na si Vladimir na kausapin si Leodegario Labao na siyang may-ari ng Krskat Venture na isang building contractor.
Sa reklamo ni Labao, sinabi umano ni Vladimir na inutusan siya ng kanyang ama na humingi ng P3Million para makuha ang proyekto sa pagtatayo ng P32.9 Million na Mambusao District Hospital project.
Noong September 21 2011 ay idineposito ni Labao ang tseke na nagkakahalaga ng P3Million sa personal bank account ni Vladimir pero may isinulat silang check notation na “Mambusao Hospital project SOP”.
Ang SOP ay nangangahulugan ng Standard Operation Procedure o lagay sa mga proyekto sa loob ng gobyerno.
Si Vladimir ay sabit sa kaso dahil isa siyang security officer ng Capiz Provincial Office.
Sa kanyang desisyon, sinabi ng Ombudsman na hindi katanggap-tanggap ang naging paliwanag ni Gov. Tanco na personal na utang ng kanyang anak ang idinepositong tseke kay Vladimir.