Official list ng mga presidential candidates hindi muna inilabas ng Comelec

comelec bldg
Inquirer file photo

Tumanggi ang Commission on Elections o Comelec na pangalanan kung sinong pang-limang kandidato sa pagka-Presidente na kabilang sa mga opisyal na kandidato sa pagka-Pangulo sa 2016 Elections.

Ito’y kasunod ng rekomendasyon ng poll body na burahin sa opisyal na listahan ang ilang mga pangalan ng mga kumakandidato sa pagka-Pangulo dahil sa pagiging nuissance o pang-gulo lamang.

Nabatid na isinumite na ng Law Department sa Comelec en banc ang pangalan ng Lima sa Isandaan at tatlumpung mga naghain ng kanilang Certificate of Candidacy sa Pagka-Presidente.

Dahil dito ay nakasalalay na sa Comelec en banc ang pagkonsidera sa rekomendasyon ng Law Department.

Apat sa limang mga inaasahang nakapasok sa magic list sa pagka-Pangulo ay ang mga prominenteng personalidad na sina Vice President Jejomar Binay ng UNA, Senator Grace Poe, Liberal Party standard-bearer Mar Roxas at Senator Miriam Defensor Santiago.

Hindi naman makumpirma o maitanggi ni Comelec Chairman Andres Bautista kung ang Kandidato sa pagka-Presidente ng PDP-Laban na si Martin Diño ang nakapasok sa panglimang opisyal na kandidato sa Pagka-Pangulo sa halalan 2016.

Si Diño ay naghain ng kanyang Certificate of Candidacy sa bilang Presidential candidate noong nakaraang linggo pero marami ang naniniwala na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang hahalili sa kanya bilang kapalit na kandidato bilang isang substitute candidate.

Read more...