Mga naaresto sa “anti-tambay” ops sa Metro Manila, papalo na sa 50K

Aabot na sa limampung libo ang mga taong naaresto mula nang mag-umpisa ang kontrobersyal na “anti-tambay” campaign sa Metro Manila.

Ayon kay National Capital Regional Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar, mula noong June 13 hanggang July 13, 2018 ay pumalo na sa 48,484 na indibidwal ang nahuli, nakasuhan o pinagmulta dahil sa paglabag sa mga ordinansa.

Nangunguna aniya sa listahan ang mga violator ang mga nagyoyosi na 16,442 ang bilang.

Sumunod naman ang nasa 7,450 na menor-de-edad na lumabag sa curfew ordinance; 7,176 na kataong nahuli dahil walang pang-itaas na kasuotan o half-naked; at 5,761 na na-apprehend dahil sa pag-inom ng alak.

Sinabi ni Eleazar na mayroon ding 11,655 na indibidwal na nahuli dahil sa pag-ihi o pagdura sa mga pampublikong lugar, pagdadala ng mga patalim, pagbi-videoke sa madaling araw, at paglabag sa batas-trapiko.

Batay pa sa datos, ang Eastern Police District o EPD ang may pinakamataas na bilang ng mga naaresto.

Ayon kay Eleazar, hindi lahat ng mga naaresto ay ikinulong.

Sa katunayan aniya, mayorya ng violators ay binigyan lamang ng warning lalo na ang mga first-time offenders.

Ang iba naman ang pinagmulta, at ang pera ay napunta sa treasury ng mga lokal na pamahalaan.

Ang anti-tambay campaign ay nagsimula mula nang i-utos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, marami ang kumuwetyon at nagalit dito at binansagan itong anti-poor na polisya.

 

Read more...