Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga Filipino na iprotesta ang ginagawang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ng bise-presidente ay kasabay ng paggunita ng bansa sa ikalawang anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration kung saan naigiit ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Sa isang forum sinabi ni Robredo na panahon na para mapayapang iprotesta ang anumang pagkilos para kontrolahin ang isla.
Anya pa, dapat nang manindigan at ipahayag ang pagtutol sa militarisasyon sa West Philippine Sea.
“This is the time for us to peacefully protest any effort to limit or control movement in these waters. As neighbors and friends, we must stand in opposition to military build-ups in the West Philippine Sea,” ani Robredo.
Anya ang kooperasyon ng mga kapitbahay na bansa para tutulan ang militarisasyon ay maaaring magresulta sa isang ‘real power’.
Iginiit ng opisyal na nawalan ng bentahe ang pagkapanalo ng Pilipinas sa international court.
Inalala din ni Robredo ang mga ulat kung saan mayroong mga miyembro ang Chinese Coast Guard na kumukumpiska sa huli ng mga mangingisdang pinoy na anya’y nakadudurog ng puso.
Para kay Robredo, hindi ito nararapat para sa kung sinuman lalong-lalo na sa mga mangingisdang Filipino at sa Pilipinas.