Sa loob mismo ng kanyang bahay napatay ang isang tulak ng iligal na droga sa Barangay Salawag, Dasmariñas, Cavite.
Kinilala ang nasawing suspek na si Arnel Pakingan na residente sa lugar.
Ayon sa mga operatiba ng Dasmariñas City Police, matapos ang transaksyon at inanunsyo ng mga pulis na aarestuhin nila si Pakingan ay tumakas ito patungo sa kanyang bahay, imbes na sumuko.
Kaya naman tinugis siya ng mga otoridad, ngunit bago pa makapasok ang mga ito sa loob ng kanyang bahay ay naunang nagpaputok si Pakingan, dahilan upang gumanti ang mga otoridad.
Tinamaan ng bala ang suspek at agad itong isinugod sa pinakamalapit na ospital. Ngunit ayon sa mga doktor, dead on arrival na si Pakingan.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang sachet ng shabu at baril na ginamit ng suspek.