Walang balak si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na pasukin ang mundo ng pulitika pagkatapos ng kanyang termino bilang Ombudsman.
Si Morales ay nakatakdang magretiro bilang pinuno ng anti-graft body sa July 25.
Ayon kay Morales, “no to politics” umano siya dahil mas gusto niyang magpahinga lalo’t maraming taon ang kanyang ginugol sa trabaho sa gobyerno.
Sa Ombudsman pa lamang ay naka-pitong taon na si Morales, mula nang italaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino habang maraming taon na rin siyang naisilbi sa Korte Suprema bilang Associate Justice.
Samantala, nang matanong si Morales kung dadalo ba siya sa State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 23, sinabi ng Ombudsman na hindi raw siya iniimbitahan sa okasyon.
Isa si Morales sa mga madalas na binabatikos ni Duterte sa kanyang mga talumpati.