Mahigit isang linggo pa bago ang undas, tumaas na ng mahigit sa doble ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa sa Maynila.
Ayon sa nagtitinda ng bulaklak apektado kasi ang suplay ng bulaklak dahil sa pinsalang idinulot ng bagyong Lando sa Baguio City.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sa tindera na si Ester Ricamara, sinabi nitong sa Baguio nanggagaling ang mga bulaklak na kaniyang ibinebenta sa Dangwa.
Sa ngayon, ang presyo aniya ng rosas ay mahigit sa doble na ang itinaas. Ang long stem rose na dating P20 lamang ang isa ay mabibili na ngayon sa P50.
Ang isang dosena ng mga rosas ay P150 ang halaga at inaasahang tataas pa sa susunod na mga araw habang papalapit ang undas. “galing Baguio poi tong mga rosas, nagtaas talaga ang presyom mahigit doble, tapos tataas pa iyan habang papalapit ang undas,” ayon kay Ricamara.
Ang mga bulaklak na naka-arrange na ay mabibili sa Dangwa ng P250 hanggang P300.
Simula sa October 30 ng hapon, araw ng Biyernes ay inaasahang magsisimula nang magtungo sa mga sementeryo ang publiko.
Ang pagdagsa ng mga maraming tao sa mga sementeryo ay magsisimula sa October 31, araw ng Sabado at November 1 araw ng Linggo.