Ayon kay PAGASA forecaster Gener Quitlong, posibleng may isa pang bagyo ngayong buwan ng Oktubre, isa hanggang dalawang bagyo sa buwan ng Nobyembre at isa sa Disyembre.
Ang bagyo na susunod kay Lando na papasok sa bansa ay papangalanang ‘Marilyn’. Ang iba pang mga nakalinyang pangalan ng bagyo ay Nonoy, Onyok at Perla.
Sinabi ni Quitlong na ang bagyong may international name na Champi ay hindi papasok sa bansa dahil paakyat na ang direksyon nito.
Ang dalawa pang sama ng panahon na nakabuntot kay Champi ay susunod din sa tatahaking direksyon nito.
Samantala, kahapon ay tuluyan nang humina ang bagyong Lando at ngayon ay isa na lamang Low Pressure Area.
Ang LPA ay huling namataan sa 160 kilometers east southeast ng Basco, Batanes. Bagaman humina na, maari pa ring makapagpaulan ang LPA sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Pero ayon kay Quitlong, sa susunod na mga araw ay maaring tuluyan nang malusaw ang nasabing LPA.