PDEA: Drug test sa mga estudyante hindi na itutuloy

Inquirer file photo

Hindi na itutuloy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mandatory drug test para sa mga Grade 4 pupils pataas.

Sa kanyang pahayag ay sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na hindi nila nakuha ang suporta ng Department of Education sa nasabing panukala.

Pero hindi umano ito magiging hadlang sa kanilang kampanya na puksain ang iligal na droga sa bansa na siyang pangunahing mandato ng PDEA.

Sinabi rin ni Aquino na nakababahala ang problema ng droga sa bansa dahil mismong mga kabataan na ngayon ang ginagamit ng ilang mga sindikato sa kanilang illegal drug trade.

Sa datos ng PDEA, aabot sa 4,026 na mga menor-de-edad ang kanilang naaresto dahil sa paggamit at pagbebenta ng droga simula noong 2011.

Sa nasabing bilang, 1,535 sa mga ito ang nahuli sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon dahil sa bilang bahagi ng war on drugs ng pamahalaan.

Gusto rin ng pinuno ng PDEA na amyandahan ng mga mambabatas ang Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 para higit na magamit sa kampanya kontra illegal drugs.

Naniniwala rin ang opisyal na dapat isailalim sa mandatory drug test ang mga senior high school students pati na rin ang mga guro.

Read more...