Olongapo City mayor pumalag sa inilabas na suspension order ng Ombudsman

Inquirer file photo

Ikinalungkot ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino ang inilabas na suspension order ng Office of the Ombudsman laban sa kaniya.

Batay sa utos ng Ombudsman, suspendido ng anim na buwan si Paulino kasama si Vice Mayor Aquilino “Jong” Cortez Jr., at 11 konsehal dahil sa simple misconduct.

Narito ang mga konsehal na kabilang sa suspension order: – Elena Dabu

– Benjamin Cajudo II

– Eduardo Guerrero

– Noel Atienza

– Alruela Bundang-Ortiz

– Edna Elane

– Emerito Dolantre Bacay

– Randy Sionzon

– Egmidio Gonzales Jr.

– TonyKar Balde III

– Cristiflor Buduhan

– Anna Florentino Sison

– Mamerto Malabute

– Joy Cahilig

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Paulino na masyadong mabigat ang ipinataw na parusa ng Ombudsman.

Kung simple misconduct aniya ang dahilan, karaniwang ipinapataw na parusa ay isang buwang suspensyon o kaya ay warning o babala lamang.

Nagkaroon lang aniya ng maliit na pagkakamali sa petsa sa isang kontrata ng pagitan ng SM ng city government ng Olongapo.

Matatanggap aniya niya ang desisyon ng Ombudsman kung nagnanakaw siya sa kaban ng bayan at hindi nagtatrabaho nang maayos sa gobyerno.

Magiging maluwag din aniya sa kaniyang loob ang desisyon kung talagang may kasalanang nagawa sa publiko.

Dahil dito, naging sanhi pa aniya ng hindi maayos na operasyon at proseso sa kanilang lokal na pamahalaan ang suspensyon.

Giit pa ni Paulino, pulitika ang isang tinitignang dahilan ng kaniyang kampo sa likod ng suspensyon.

Na-dismiss naman ang ibang kasong isinampa kay Paulino tulad ng grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, abuse of authority, dishonesty at neglect of duty.

Samantala, sinabi ni Paulino na naghahanda ng legal action ang kaniyang kampo para tugunan ang naturang suspensyon.

Read more...