Sinibak sa puwesto ang mga hepe ng Butuan City at lalawigan ng Agusan del Sur dahil sa pagdukot at pagpatay ng mga hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army sa alkalde ng bayan ng Loreto at sa anak nitong nakaraang Lunes .
Dadaan sa kaukulang imbestigasyon dahil sa ‘security at intelligence lapses’ ang mga opisyal na sina Agusan Del Sur Police Director Sr. Supt. Joseph Plaza at Butuan City Chief of Police, Senior Supt. Francisco Dungo.
Ayon kay Supt. Martin Camba, tagapagsalita ng Caraga regional police, nabigo ang dalawang opisyal na puspusang bantayan ang galaw ng mga rebelde sa kanilang area of responsibility.
Dahil dito, naisakatuparan ng mga rbelde ang pagdukot kina mayor Dario Otaza at anak nitong si Daryl.
Nabigo aniya si Supt. Dungo na agad na tumugon sa krimen kaya’t mabilis na nakalayo at nakatakas ang mga salarin.
Samantala, si Supt. Plaza naman ay iimbestigahan dahil sa kabiguan umano nitong magbigay ng kaukulang seguridad sa alkalde.
Matatandaang dinukot ng mga armadong lalake na umano’y nakasuot ng mga NBI na t-shirt ang mag-amang Otaza sa bahay nito sa Butuan.
Makalipas ang mahigit lamang sa 11 oras, natagpuan na ang mga bangkay ng mga ito na nakagapos ang kamay at paa at tadtad ng tama ng bala.