“No touch no contact policy” ipinatutupad ng BI sa mga immigration officer na hindi naka-duty

Mahigpit ngayong ipinatutupad ng Bureau of Immigration (BI) ang “no touch, no contact” policy sa mga dayuhang bumibisita sa bansa.

Ayon kay OIC Deputy Commissioner Marc Red Marinas na namumuno rin ng BI port operations division, bawal sa mga empleyado ng BI na magkaroon ng physical contact o mag-verify ng travel documents ng mga dayuhan nang hindi naka-duty o nasa labas ng international port kung saan sila nakatalaga.

Ang mga lalabag sa kautusan ay mahaharap sa kasong administratibo.

Samantala, nagbabala rin si Immigration Commissioner Jaime Morente sa kanilang mga empleyado laban sa mga hindi otorisadong operasyon at imbestigasyon sa mga dayuhang nasa Pilipinas.

Aniya, tanging ang mga empleyado lamang na may mission order mula sa BI Commissioner ang maaring mag-imbestiga at magsagawa ng verification sa immigration status ng mga dayuhang hinihinalang lumalabag sa immigration laws ng Pilipinas.

Ang mga dayuhan na hinihinalang iligal na nananatili sa Pilipinas ay dapat umanong iulat sa alien control officer ng pinakamalapit na BI field office o sa intelligence division ng BI para sa maisailalim sa imbestigasyon at case build up.

 

Read more...