DOLE pagbabayarin ang PLDT kung magmamatigas sa utos na iregular ang 7,000 empleyado

Inquirer file photo

Pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kunin ang bahagi ng kita ng PLDT para mabayaran ang benepisyo ng libu-libong mga empleyado nitong hindi niregular sa trabaho.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi DOLE Sec. Silvestre Bello III na hindi pa rin ipinatutupad ng PLDT ang utos ng ahensya na irregular ang nasa 7,000 mga manggagawa na kinuha nila ang serbisyo sa pamamagitan ng service providers o manning agencies.

Ani Bello, umapela sa Court of Appeals ang PLDT pero dahil bigo silang makakuha ng TRO kailangan na nilang sumunod sa utos ng DOLE.

“Ang ginawa ng PLDT ay umakyat sila sa Court of Appeals. Kaya lang hindi naman sila nakakuha ng TRO kaya dapat iimplement nila ang order namin. Ang kanilang interpretasyon, dahil daw dineclare naming labor-only contractor ang service provider nila kaya dapat ang mga pinapa-regular namin ay mag-apply ulit. Eh very wrong interpretation, kasi ang sinabi namin lahat ng mga nagtatrabaho diyan, 7,000 of them are supposed to be regular employees hindi na sila kailangang mag-apply kasi pinapa-apply pa sila eh,” ayon kay Bello.

Sinabi ni Bello na kung magmamatigas ang PLDT ay pinag-aaralan na ng DOLE na i-garnish ang bahagi ng kanilang kita para mabayaran ang benepisyong dapat matanggap ng mga empleyadong dapat ay regular na.

“Meron na namang legal action against them, in the meantime we are studying the possibility na iga-garnish namin ang pera ng PLDT para bayaran ang mga empleyado. Nobody is above the law. Dalawang ulong higante yata ito, umaasa naman ako na si Mr. MVP ay hindi naman siguro ganon baka hindi niya nalalaman ang ginagawa ng kaniyang mga opisyales,” dagdag pa ni Bello.

Pinaiimbestigahan na rin ng DOLE sa Securities and Exchange Commission at National Bureau of Investigation ang mga sumbong na nakarating sa ahensya na ang mga service provider at manning agency na nagbibigay ng tao sa PLDT ay pawang executives din ng naturang telecommunication company ang may-ari.

Read more...