Puwersahang inilikas ng lokal na pamahalaan ng Pampanga ang ilang mga residente na nakatira sa tabing-ilog dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig baha sanhi ng bagyong Lando.
Ito’y sa kabila ng paghina ng bagyong Lando na isa na lamang low pressure area at pag-aalis ng Pagasa sa lahat ng public storm warning signal sa paglabas sa landmass ng naturang bagyo.
Una nang inilagay sa state of calamity ang mga bayan ng San Luis, Arayat, at Candaba sa lalawigan ng Pampanga dahil sa unti-unti nang bumababa ang tubig mula saa Nueva Ecija at Bulacan na dumadaloy sa Pampanga river.
Sa bayan ng Calumpit Bulacan, may ilang lugar pa rin ang hanggang dibdib ang baha.
Nasa mahigit 100,000 katao naman ang nananatili sa mga evacuation center dahil lubog pa rin sa tubig baha ang kanilang mga lugar.
Umaabot naman sa 6.57 bilyong pisong halaga ng agrikultura, imprastraktura at mga tahanan ang sinira ng bagyo.
Sa pagtaya ng Department of Agriculture, umaabot sa mahigit 383,668 na tonelada ng palay ang nasira dahil sa bagyo.