Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, simula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito sa Comelec versus Peñera case, nawalan na ng ngipin ang komisyon laban sa mga maagang nangangampanya.
Ipinaliwanag ni Bautista na base sa desisyon ng Korte Suprema sa nasabing kaso, maaari lamang mapanagot ang isang kandidato sa isang election offense kung ito ay ginawa sa kasagsagan ng campaign period.
Ibig sabihin, kung may maling ginawa ang isang kandidato habang wala pa ang campaign period, walang magagawa ang Comelec para maparusahan, makasuhan o kaya ay i-disqualify ito sa eleksyon.
Sa kabila nito, gumagawa na rin naman na aniya ang Comelec ng mga panuntunan para sa mga kandidato na magsasaad kung ano ang mga maaari at hindi maaaring gawin.
Nabago rin kasi ang batas dahil sa Poll Automation Law kung saan nakasaad na sinumang magpasa ng certificate of candidacy (COC) ay maikokonsidera lamang bilang opisyal na kandidato oras na magsimula ang campaign period.
Dagdag dito, anumang paglabag sa batas ay magkakaroon lamang ng bisa kung nagsimula na ang nasabing panahon ng pangangampanya.
Ani Bautista, nasa kamay na ng Kongreso ang paggawa ng batas na magdidikta sa kung anu-ano ang mga tama at maling gawain ng mga kandidato sa panahon bago ang nakatakdang campaign period.