Duterte sa mga Obispo: Hwag gamitin ang pulpito sa pulitika

May personal na apela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa one-on-one meeting kahapon nina Pangulong Duterte at CBCP President Romulo Valles ay humirit ang pangulo na huwag gamitin ang pulpito sa pagbatikos sa kanya o sa administrasyon.

Maaari naman aniyang bumatikos ang mga kagawad ng simbahan pero hindi dapat na manggaling sa pulpito lalo’t mayroong paghihiwalay ng simbahan at ng estado.

Tanggap aniya ng pangulo ang mga batikos at puna ng mga ordinaryong mamayan.

Sinabi pa ni Roque na sa naganap na pulong ay nakinig lamang ang arsobispo habang ang pangulo ang panay ang salita.

Dagdag pa ng opisyal, “Well, may isa pong sinabi si Presidente pero I wanted sana po to clarify with him first kasi it was just in between iyong discussions during the cabinet meeting”.

Samantala, sinabi ng kalihim na ang susunod na pulong ay sa pagitan naman ng 4-man team panel ng pamahalaan at mga kinatawan ng CBCP.

Layunin aniya ng pagpupulong na mapaigting pa ang ugnayan ng simbahan at estado lalo’t iisa lang naman ang layunin nito na mapagsilbihan ang taong bayan at maitaguyod ang common good.

Read more...