Retiradong sundalo, pinaslang ng NPA sa North Cotabato

Mismong sa harapan ng kanyang asawa at mga anak pinaslang ang isang retiradong sundalo ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Binay sa bayan ng Magpet, North Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Dominaro Favian, 48 taong gulang.

Ayon kay Superintendent Bernard Tayong ng North Cotabato Provincial Police, nasawi si Favian matapos magtamo ng mga tama ng bala sa kanyang ulo at katawan.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, natutulog na ang pamilya Favian nang bandang ala-1 ng hatinggabi ay dumating ang mga rebeldeng NPA sa kanilang bahay at pwersahang pumasok dito.

Hinalughog umano ng mga rebelde ang bahay ni Favian para sa mga armas at nang ipilit ng biktima na wala siyang itinatagong mga baril ay pinadapa ng mga rebelde ang asawa at mga anak nito bago pinagbabaril si Favian.

Matapos ang insidente ay kaagad na tumakas ang mga miyembro ng NPA.

Ayon sa mga otoridad, marami talagang mga rebelde ang nagkukuta sa Barangay Binay.

Read more...