Iniulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Alexander Pama na umakyat na sa 34 ang opisyal na bilang ng mga namatay samantalang 34 din ang tala ng mga nasaktan sa pananalasa ng bagyong Lando.
Sinabi ng naturang opisyal na maingat sila sa paglalabas ng anumang uri ng data na may kinalaman sa bagyo at kinakailangan pa nila ang pakikipag-ugnayan sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno para matiyak na hindi madodoble ang bilang.
Lumobo naman sa kabuuang P6.6Billion ang halaga ng mga nasirang pananim at imprastraktura sa mga lugar na dinaanan ng bagyo.
Kabilang sa mga malubhanh sinalanta ni Lando ay ang mga lalawigan sa Region 3, Cordillera Autonomous Region (CAR), Ilocos Region, Bicol, Calabarzon at Cagayan Valley.
Ngayong araw ay pinangunahan nina DILG Sec. Senen Sarmiento, Defense Sec. Voltaire Gazmin, Social Welfare Sec. Dinky Soliman at Usec. Pama ang pag-asses sa lawak ng pinsala ng bagyo sa lalawigan ng Aurora.
Bukas ay makakasama nila si Pangulong Noynoy Aquino sa pag-iikot sa nasabing lalawigan na grabeng pininsala ng nagdaang bagyo.