Walang mga manggagawang nawalan ng trabaho at wala ring kumpanyang nagsara sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Lando.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, ito ay batay sa paunang impormasyon galing sa mga regional offices ng DOLE.
Magkagayunman, patuloy pa ring kumakalap ng ulat ang kanilang quick reaction teams para malaman kung may mga manggagawa na kailangang bigyan ng ayuda.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin umano ang DOLE sa iba pang ahensya ng gobyerno kabilang na ang Department of Agriculture, Department of the Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development pati na rin ng ilang mga local executives.
Nakahanda naman aniya ang DOLE integrated livelihood and emergency employment program na tumulong sa mga manggagawa na mawawalan ng trabaho nang dahil sa kalamidad.
Ipinaliwanag din ni Baldoz na nakatutok din ang kanyang tanggapan sa seguridad ng mga manggagawa sa mga workplaces na direktang dinaanan ng bagyong Lando.