Pinangaralan ng Malacanang ang Mayor ng Baler, Aurora dahil sa pagbibigay ng kulay sa pamimigay ng relief goods nina Liberal Party standard bearer Mar Roxas at Congresswoman Leni Robredo.
Nauna dito ay napaulat na masama ang loob ni Mayor Nelianto Bihasa na dahil kasapi siya sa PDP-Laban kaya hindi idinaan sa kanya ang mga relief goods na ipinamigay nina Roxas at Robredo sa mga constituents nito.
Iginiit ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na ang mahalaga kasi sa kanila ay matanggap ng mga apektado ng bagyo ang mga food packs at hindi na kailangan pang idaan kung kanino man.
Nilinaw din ni Lacierda na kasama sa koalisyon ang PDP-Laban at hindi ito itinuturing na kalaban ng Partido Liberal.
Ang tanong tuloy ni lacierda, bakit kinakailangang angguluhan ni Bihasa ng pulitika ang isang bagay na hindi naman dapat lagyan ng kulay pulitika.
Bukas ay nakatakdang bisitahin ng Pangulo ang Casiguran Aurora at hanggang ngayon ay wala pang linaw kung dadaan din siya sa bayan ng Baler.