Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kung pagbabasehan ang magkakasunod na pagpatay sa tatlong lokal na opisyal ay hindi ito magkakaugnay.
Noong July 2 nang patayin si Tanauan City Mayor Antonio Halili, July 3 nang tambangan si General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote at July 7 nang pagbabarilin si Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan.
Ayon kay Roque, isinasangkot sa ilegal na droga si Halili habang pulitika naman ang nakikitang anggulo sa pagpatay kina Bote at Lubigan.
“So you cannot even say na lahat ng namamatay ay nasa narco list dahil hindi po, dahil ang alam ko ay isa lang sa tatlo ang nasa narco list”, dagdag pa ng kalihim.
Nakalulungkot ayon kay Roque na nagaganap ang patayan.
Tungkulin anya ng estado na magsagawa ng malalimang imbestigasyon, litisin ang mga pumatay at parusahan para matigil na ang patayan.
Idinagdag pa ng opisyal na dahil sa sunod-sunod na patayan ay pinag-aaralan na ng Commission on Elections na agahan ang pagpapatupad ng gun ban.
Sa resolusyon ng Comelec noong 2016 elections, ipinatupad ang gun ban 120 araw bago ang araw ng eleksyon.