Agenda sa pulong nina Pang. Duterte at Archbishop Valles hindi maibigay ng Malakanyang

Inquirer file photo

Tanging sina Pangulong Rodrigo Duterte at CBCP president at Davao Archbishop Romulo Valles lamang ang mag pupulong mamayang hapon sa Malakanyang.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tinangka niyang sumama sa pagpupulong pero hindi siya pinayagan nina Archbishop Valles at Pangulong Duterte dahil one-on-one lamang ang meeting.

Aminado si Roque na hindi rin niya mabatid kung ano ang magiginga genda ng pag-uusap ng dalawang lider.

Ayon kay Roque, kapag natapos na ang pagpupulong nina Duterte at Valles, magkakaroon naman ng kasunod na pagpupulong ang binuong 4-man committee at ang CBCP.

Gayunman hindi matukoy ni Roque kung kailan magaganap ang pagpupulong ng 4-man committee at CBCP.

Kasabay nito, sinabi ni Roque na nagkaroon din siya ng pakikipagpulong Linggo ng gabi sa labing walong obispo sa tahanan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa La Vista Subdivision sa Quezon City.

Ayon kay Roque, kaniyang inilatag sa mga obispo ang pagtutol ni Pangulong Duterte sa mga panukalang batas na same sex marriage, divorce, abortion at iba pa.

Hindi kasama sa pagpupulong sina Valles, CBCP Vice President Bishop Virgilio Pablo David at Bishop Broderick Pabillo.

Ayon kay Roque, karaniwan nang nagkaroon ng pagpupulong sina dating Pangulong Arroyo at ang mga obispo at natigil lamang nang ma-hospital arrest ng ilang taon ang dating punong ehekutibo.

 

Read more...