Narcolist maaring masamantala ng mga kalaban sa pulitika – VACC

Masyado pang maaga na sabihing government sponsored ang sunud-sunod na kaso ng pagpatay sa mga local government officials.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni VACC Vice chairperson Arsenio “Boy” Evangelista, si General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote ay wala naman sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa halip ay ang quarriying at usapin sa pulitika ang tinitignang anggulo.

Habang ang tinambangang Vice Mayor ng Trece Martires na si Alex Lubigan ay wala rin sa narcolist.

Pero base sa pattern ng mga insidente ng pananambang, sinabi ni Evangelista na tila pwedeng samantalahin ng mga kalaban sa pulitika ang inilalakas na narcolist.

“Yung mga nasa narco-list karamihan yon ang perception nga natin, lumalabas parang government sponsored. Pero makikita naman natin dito sa series na medyo mali rin ang early pronouncement na government sponsored. Tulad ng case ng kay Mayor Bote malinaw naman wala siya sa narco-list. Ang motivation ay sa quarry at tinitignan din isa ang pulitika. Tapos sa kaso naman ng Vice Mayor sa Cavite wala sya sa drug list, but then sa pulitika at negosyo. Too Early. Pero makikita natin dito na pwede pa lang sakyan ng mga kalaban mo sa pulitika,” ani Evangelista.

Para maiwasang samantalahin ito ng mga kalaban sa pulitika ng mga lokal na opisyal, sinabi ni Evangelista na dapat tiyakin na nabeberipika ang inilalabas na narcolist.

Ani Evangelista, dapat maipaliwanag kung paano ang ginagawang assessment at pag-validate ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga naisasama sa listahan ng mga lokal na opisyal na may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga.

Read more...