Matapos iulat ng Commission on Audit (COA) ang paglala ng problema ng siksikan sa mga kulungan na nasa pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), may apela sa pamahalaan ang Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila.
Ayon kay Sister Zeny Cabrera ng Caritas Manila Restorative Ministry, panahon na para lutasin ng gobyerno ang lumalalang problema ng jail congestion.
Aniya, bagsak ang mga kulungan sa bansa sa pandaigdigang panuntunan nang dahil sa napakabagal na usad ng sistema ng hustisya.
Nang dahil sa masikip na mga kulungan, nalalantad ang mga detinido sa sakit at ang iba ay sumasali na sa mga gang para lamang makaagapay sa loob ng bilangguan.
Sa ulat ng COA, sobra ng mahigit 600-percent ang kapasidad ng mga kulungan ng BJMP noong 2017.
Ayon sa COA, umaabot na sa mahigit 146,000 ang bilang ng mga detinido, gayong ang mga kulungan ng BJMP ay mayroon lamang kapasidad na mahigit dalawampung libo.
Sa panuntunan ng United Nations, dapat ay hindi bababa sa 4.7 square meters ang espasyo sa selda ng bawat isang preso.