Mismong si National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang gumising sa isang pulis matapos siyang mahuling natutulog habang nakaduty sa Marulas PCP sa Valenzuela City.
Depensa ni PO1 Gary Garcia, nakatulog siya dahil sa pagod sa kanyang pagtatrabaho.
Dagdag pa nito, sa katunayan ay katatapos lamang niyang gumawa ng spot report.
Dahil dito ay pinagrereport ni Eleazar si Garcia sa kanyang himpilan ngayong umaga, kasama ang kanyang station commander.
Samantala, pinagpulot naman ni Eleazar ng mga basura sa loob ng kanilang prisinto ang mga pulis sa Pritil PCP sa Tondo, Maynila.
Ito ay dahil sa madumi, madilim, at nakakandadong prisinto.
Naging kuntento naman si Eleazar sa kinalabasan ng kanyang isinagawang suprise inspection sa sampung mga himpilan ng pulis sa Maynila, San Juan, Quezon City, Caloocan, at Valenzuela.
Aniya, malaki ang naitulong ng pag-iikot ng ngayo’y Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde upang madisiplina ang mga pulis.
Paalala ni Eleazar sa mga alagad ng batas, dahil tumaas na ang kanilang mga sweldo ay wala nang rason upang hindi nila gampanan nang maayos ang kanilang mga trabaho.