Pinalaya na ng mga kidnappers ang dalawang babaeng overseas Filipino workers (OFWs) matapos silang dukutin sa kalyang nagdurugtong sa Baghdad at Kirkuk sa Iraq.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, binabagtas ng dalawang Pinay at tatlong iba pang mga kasamahan ang naturang daan nang masiraan sila ng sasakyan.
Sa paglabas ng dalawang Pinay sa kanilang sasakyan ay sakto namang mayroong dumating na isang dilaw na sasakyan lulan ang ilang kalalakihan at agad na dinukot ang mga OFW.
Sa ngayon ay hindi pa batid ang pagkakakilanlan at grupong kinabibilangan ng mga kidnapper. Hindi pa rin malinaw kung ano ang motibo sa pagdukot sa dalawang Pinay.
Ngunit kamakailan ay tumaas ang bilang ng mga pag-atake at kidnapping incidents sa lugar kung saan ang mga miyembro ng Islamic State ang nasa likod ng mga ito. Partikular na dinudukot ng ISIS ang mga kababaihan.