Adjustment cost para magamit ang biniling MRT 3 trains pinasasagot sa Dalian Co.

Pinasasagot ng Department of Transportation (DOTr) sa Dalian Co. ang gagastusin sa adjustments na gagawin sa sistema ng Metrorail Transit Line (MRT) 3 para lang magamit ang 48 bagon na binili mula sa kumpanya.

Sa isang post sa Facebook page ng kagawaran kahapon, araw ng Linggo, iginiit ni DOTr Secretary Arthur Tugade na maaaring magamit ang Dalian trains basta matutugunan ang adjustments na kinakailangan.

Hindi anya maaaring magamit sa ngayon ang mga bagon dahil sa ilang pagkakaiba sa sukat at sa timbang nito.

Ito anya ang lumabalabas sa isinagawang ‘Independent Audit and Assessment’ ng TUV Rheiland.

Ang resulta ng ginawang audit ay ipinaliwanag umano ni Tugade sa pulong kasama ang Chairman ng Dalian Co. at ng iba pang mga opisyal kasama na si China Ambassador Zhao Jianhua.

Iginiit ng kalihim na hindi maaaring gumastos ang gobyerno ng Pilipinas ng kahit isang sentimo para lang magamit ang mga tren.

Nang tanungin kung magkano ang adjustment cost ay walang sinabi si Tugade na halaga at inilarawan lamang ito sa salitang ‘manageable’.

Isasapinal ang detalye sa kung paano isasakatuparan ng Dalian ang sinasabing adjustments sa nakatakdang high-level government-to-government meeting ng Pilipinas at China sa August 20.

Read more...