Hinatid na sa huling hantungan Linggo ng hapon ang napaslang na alkalde ng Tanauan, Batangas na si Mayor Antonio Halili.
Daan-daang taga-suporta, kaibigan kabilang na ang mga kaanak suot-suot ang kulay dilaw na mga damit ang nakiisa sa paglilibing kay Halili sa Loyola Memorial Gardens.
Nakasulat sa mga dilaw na t-shirts ang panawagang hustisya para sa alkalde.
Binigyan ito ng 21-gun salute at ginawaran din ng isang ‘posthumous award’ ni Batangas Governor Hermilando Mandanas bilang pagkilala sa kanyang hindi matatawarang serbisyo bilang ama ng lungsod ng Tanauan.
Bago ang paglilibing ay isang funeral mass ang isinagawa sa St. John the Evangelist Parish at dinala sa Tanauan City Hall ang kanyang mga labi para sa isang necrological service at public viewing.
Inawit ng mga apo ni Mayor Tony sa necrological service ang paborito nyang kanta na ‘Bed of Roses’ at ang awiting ‘Dance with My Father’.
Ang pumanaw na alkalde na naging kontrobersyal dahil sa kanyang ‘walk of shame’ kung saan ipinaparada ang mga kriminal ay isa sa tatlong lokal na opisyal na pinatay lamang sa nakalipas na linggo.
Nauna nang ipinangako ng Malacañang ang hustisya at malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ni Halili.