Mga opisyal ng TRC na sangkot sa PDAF scam sinibak at kinasuhan ng Ombudsman

Dennis Cunanan
Inquirer file photo

Iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang tuluyang pagsibak sa puwesto ng mga dating opisyal ng Technology Research Institute makaraang mapatunayan na nakipagsabwatan sila sa ilang mga mambabatas sa iligal na pag-gamit ng pork barrel funds.

Bukod sa pagsibak sa puwesto, sinabi ng Ombudsman na hindi na rin papayagang magkaroon ng anumang pwesto sa pamahalaan at wala ring matatanggap na mga benepisyo ang mga kinasuhang TRC executives.

Kabilang sa mga sinibak at nahaharap sa patong-patong na mga kaso sina dating TRC director general Dennis Cunanan, Chief Accountant Marivic Jover, Budget Officer IV Consuelo Lilian Espiritu, Sales and Promotion Officer Belino Concepcion at Internal Auditor Maurine Dimaraan.

Magugunitang si Cunanan ay tumayo ring state witness nang sampahan ng kasong Plunder sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.

Sa kanyang tatlong-pahinang desisyon, sinabi ng Ombudsman na umaabot sa P101Million na pondo ng bayan ang nalustay dahil sa pakikipagsabwatan ng nasabing mga opisyal sa ilang mga dating mambabatas gamit ang kani-kanilang Priority Development Assistance Funds (PDAF).

Kinasuhan na rin ang mga dating kongresista na sinasabing kasangkot ng grupo ni Cunanan. Kabilang sa mga ito sina dating Isabela Rep. Anthony Miranda, dating Navotas Rep. Alvin Sandoval at dating Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula.

Read more...