Pagdami ng kaso ng Leptospirosis inaasahan na ng DOH

leptos
Inquirer file photo

Dahil sa mga pag-baha na dulot ng bagyong Lando ay inaasahan na ng Department of Health ang pagtaas din ng kaso ng Leptospirosis kasabay ang paalala ng ahensya sa mga may sintomas na ng sakit na huwag mag-self medicate dahil posibleng makasama pa ito.

Ayon kay Health Spokesperson Dr Lyndon Lee Suy, kung lumusog sa tubig baha at pagkaraan ng ilang araw ay nakaranas ng sintomas gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng katawan, panginginig, pamumula ng mata, pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagkakaroon ng rashes at pagtatae ay agad nang magtungo sa doktor para sa kaukulang gamot.

Sinabi ni Lee Suy na batid naman ng karamihan na may gamot para sa Leptospirosis at ito ay ang Prophylaxis subalit hindi umano sapat na uminom nito kung may sintomas na nararamdaman dahil maaaring mas lumala pa ang kondisyon ng pasyente.

Paalala din ng opisyal na hindi dapat bigyan lamang ng Prophylaxis ang isang pasyente kaya ang kanilang payo ay magtungo sa hospital para ma-assess ang kalagayan ng may sakit.

Ang Leptospirosis ay isang bacterial disease na nakukuha mula sa ihi ng mga hayop partikular na ang daga na ang ihi ay maaaring naihalo sa tubig-baha na pwede namang pumasok sa katawan ng isang tao sa pamamagitan ng sugat o open wound.

Pinayuhan din ni Lee Su yang publiko na umiwas sa paglusong sa tubig-baha pero kundi maiiwasan ay inirerekomenda niya ang pagsu-suot ng bota para maka-iwas sa impeksyon.

Ang Leptospirosis ay may incubation period na mula 7 hanggang 10 araw kaya naman ang ilan ay naikokonsidera ito na simpleng trangkaso kaya hindi nagpapatingin sa doktor at kalaunan ay lumalala ang kondisyon.

Read more...