Pangulong Duterte, nagbibigay pa rin ng donasyon sa Caritas

Sa kabila ng madalas na pagbatikos at pagmumura sa Simbahang Katolika sa kanyang mga talumpati, ay nagbibigay pa rin umano ng donasyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Caritas Davao Foundation.

Ito ang ibinunyag ni Caritas Davao head Sr. Rose Duhaylungsod at sinabing nagbigay ng donasyon ang pangulo mula 2015 hanggang 2017 sa foundation.

Ang Caritas Davao ay nasa ilalim ng Archdiocese of Davao.

Matatandaang noong 2015 ay nangako ang pangulo na magbibigay siya ng P1,000 sa Caritas Davao sa kada mura na lalabas sa kanyang bibig at tila tinutupad niya ang pangakong ito.

Gayunman ayon kay Sr. Duhaylungsod, tinitingnan pa ang records para malaman kung magkano na ang naibigay ng pangulo sa institusyon.

Hindi pa anya, nakakapagpaabot ng donasyon si Duterte para sa taong ito.

Nagsimula umanong magbigay ang pangulo sa Caritas Davao mula nang makapulong si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Davao Archbishop Romulo Valles noong December 4, 2015.

Ang Caritas ay ang pinakamalaking charitable organization ng Simbahang Katolika na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang nasa laylayan sa lipunan kung saan mayroon itong sangay sa iba’t ibang bansa.

Read more...