Dating Pangulong Arroyo, lumabas ng VMMC para magpacheck-up sa St. Luke’s Hospital

gloria-arroyo
Inquirer file photo

Nasa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City na si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Si Arroyo ay pinayagan ng Sandiganbayan na makalabas pansamantala sa Veterans Memorial Medical Center sa loob ng dalawang araw para sumailalim sa medica check-up sa St. Luke’s hospital.

Alas 8:30 ng umaga nang lumabas sa VMMC si Arroyo, kasama ang mga composite team ng Police Security Protection Group, Highway Patrol Group at Quezon City Police at alas 8:50 ng umaga nang dumating sa St. Luke’s hospital.

Sinamahan si Arroyo ng kaniyang asawa na si dating First Gentleman Mike Arroyo.

Ayon kay PSPG Spokesperson Supt. Rogelio Simon, nagtalaga sila ng 10 tauhan para bigyang seguridad ang dating Pangulo.

Si Arroyo ay sasailalim sa check-up sa nasabing ospital matapos makaranas ng pammaanhid ng kaliwang braso.

Mananatili sa St. Luke’s ang dating Pangulo mula ngayong umaga, hanggang alas 4:00 ng hapon bukas, October 22, base na rin sa kautusan ng anti-graft court.

Kabilang sa mga isasagawang pagsusuri kay Arroyo ay ang pagsasailalim dito sa Positron Emission Tomography (PET) Scan at tumor marker tests gaya ng Alpha Feto Protein para sa kaniyang liver, Carcinoembryonic Antigen o CEA para sa kaniyang dibdib at pancreas at CA 125 Calcitonin para sa thyroid.

Ayon sa mga abogado ni Arroyo, walang sapat na kagamitan ang VMMC para sa nasabing mga pagsusuri.

Read more...