May hawak ng mga testigo ang mga militar kaugnay sa pagdukot at brutal na pagpatay sa alkalde ng Loreto, Agusan Del Sur na si Mayor Dario Otaza at sa anak nitong si Daryl.
Ang mag-ama ay dinukot ng mga armadong lalaki mula sa kanilang bahay sa Butuan City noong Lunes ng gabi, at natagpuang kapwa wala nang buhay at may tama ng mga bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. Gen. Aurelio Balalad, Commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command, sinusubukan na nilang buuin ang artist’s sketch ng mga suspek base sa pagsasalarawan ng mga testigo.
Sinabi ni Balalad na may impormasyon sila na mga tauhan ng North-Central Mindanao Regional Party Committee ng New People’s Army ang pumatay sa mag-amang Otaza.
Patuloy ring tinutugis ng mga otoridad ang mga rebelde sa direksyong kanilang tinahak mula sa bahay ng pamilya Otaza hanggang sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng mag-ama kahapon.
Si Mayor Otaza at anak nitong si Daryl ay kapwa natagpuang nakatali at may tama ng bala ng baril sa Purok 2, Brgy Bitan-agan, Butuan.
Si Mayor Otaza ay dating miyembro ng NPA at tumatakbo bilang reelectionist mayor sa bayan ng Loreto.
Aktibo din si Otaza sa “Serbisyo Caravan” project sa lalawigan.