Ang ilang driver kasi ng jeep, ipinatupad na ang dagdag-singil bago pa man mailabas ang written order mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ilan pang driver ang nakipagtalo sa mga pasahero na ayaw magbayad ng P9 na minimum fare.
Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, nakatanggap sila ng mga ulat na may mga driver nang naningil ng dagdag pasahe sa Mandaluyong at Makati.
Dahil dito, pinayuhan ng LTFRB na ireport sa kanila ang mga tsuper dahil maari silang mapatawan ng hanggang P5,000 sa unang paglabag pa lamang.
Inaprubahan ng LTFRB ang provisional na pisong dagdag sa minimum fare sa mga jeep sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog noong Huwebes pero Biyernes na ng tanghali nang magpalabas ito ng written order.