Lumipad patungong North Korea si US Secretary of State Mike Pompeo at inaasahang darating sa naturang bansa ngayong araw.
Ito ay upang ipagpatuloy ang nasimulan nang negosasyon para sa denuclearization ng North Korea.
Kahapon, iginiit ni State Department spokeswoman Heather Nauert na nananatili ang ‘commitment’ ng pamahalaan ng US sa kampanya nitong maipilit sa Pyongyang ang hindi na nito paggamit ng nuclear weapons.
Inaasahang sa pagbisita ni Pompeo ay mapagtitibay ang mga kasunduang nailatag sa summit na naganap sa pagitan nina Trump at Kim sa Singapore noong nakaraang buwan.
Iginiit naman nina Trump at Pompeo na mananatili pa rin ang ipinataw na economic sanctions laban sa bansa na pinaniniwalaang nagbunsod rito para ilagay ang sarili sa negotiating table.
Sinabi ng Secretary of State na umaasa ang Estados Unidos na madisarmahan ang North Korea sa kanilang nuclear weapons sa susunod na dalawa at kalahating taon.
Mamamalagi si Pompeo sa Pyongyang hanggang Sabado ng umaga at tutungo naman ng Tokyo para makipagpulong sa kanyang Japanese at South Korean counterparts.