Sa 4am advisory ng weather bureau, huling namataan ang bagyo na may international name na ‘Maria’, sa layong 1,965 kilometro Silangan ng Southern Luzon.
Taglay nito sa ngayon ang hanging aabot sa 125 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 155 kilometro kada oras.
Inaasahan pa rin itong papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) umaga ng Lunes ngunit malaki pa rin ang posibilidad na hindi ito tatama sa anumang kalupaan ng bansa.
Palalakasin nito ang habagat na magdadala ng pag-uulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ngayong araw, mararanasan ang maulap na kalangitan na may pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Mindoro, Palawan, Western Visayas at Zamboanga Peninsula dahil sa habagat.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kasama na ang Metro Manila ay mararanasan ang mainit at maalinsangang panahon na may posibilidad lamang ng pag-ulan lalo na sa hapon o gabi dahil sa localized thunderstorms.