Provisional fare increase dagdag pasanin sa commuters ayon sa PISTON

Ginawa umanong scapegoat ng gobyerno ang mga pasahero nang aprubahan ang pisong pansamantalang dagdag sa minimum na pamasahe sa jeep.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni George San Mateo, presidente ng Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na imbes na pakinggan ang kanilang panukala kung paano tugunan ang mataas na presyo ng petrolyo, pinilit ng pamahalaan na pasanin ng mga commuters ang problema sa pamamagitan ng dagdag pamasahe.

Ang problema aniya sa pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ipinasa ng gobyerno sa mga mahihirap na mananakay.

Paliwanag ng PISTON president, ang iminungkahi nila ay suspendihin ng pamahalaan ang implementasyon ng tax reform law para bumaba ang presyo ng diesel imbes na tumaas ang pamasahe.

Pahayag ito ni San Mateo matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional increase na piso kaya magiging P9 na ang minimum na pamasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P8.

Dahil dito ay nanawagan si San Mateo sa mga pasahero ng jeep na huwag sisihin ang mga drivers sa pisong dagdag na pamasahe, bagkus ang dapat aniyang batikusin ay ang patakaran ng gobyerno.

Read more...