Inihahanda na ng Department of Health (DOH) ang kaso laban sa Sanofi Pasteur kaugnay ng full refund para sa nagastos sa bakuna kabilang ang mga nagamit sa stocks.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nasa case build-up na sila laban sa French pharmaceutical giant at malapit na nilang isampa ang kaso kasama ang Office of the Solicitor General (OSG).
Isa aniya sa demand ng ahensya na ibalik ng Sanofi ang nagastos kahit sa nagamit na mga stocks ng Dengvaxia na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon.
Una nang nirefund ng kumpanya ang P1.16 bilyon para sa hindi nagamit na Dengvaxia.
November 2017 nang sabihin ng Sanofi Pasteur na masama ang naturang bakuna para sa hindi pa nagkaka-dengue.
Nasa 830,000 na mga estudyante ang sumailalim sa Dengue vaccination program na ginastusan ng Administrasyong Aquino ng P3.5 bilyon.
Ang demand ng DOH na full refund ay dahil sa pagtanggi ng Sanofi na ibalik ang nagastos ng gobyerno sa nagamit na mga doses ng Dengvaxia.