Nagpahayag din ng pagkabahala ang ilang mga obispo matapos ang deklarasyon ng Department of Health ng ‘outbreak’ ng leptospirosis sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Sa mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na dapat ay mas maging maingat ang publiko sa paglusong sa baha kahit na walang iniindang sugat ang mga ito.
Hinikayat ni Pabillo ang mga tao na agarang magpakonsulta sa doctor kapag may naramdamang sintomas ng sakit.
Samantala, naalarma rin si Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa lumulobong bilang ng kaso ng leptospirosis.
Gayunman, tiwala anya siya na gagawin lahat ng Department of Health (DOH) ang makakaya nito para tugunan ang problema.
Una rito ay idineklara ng DOH ang outbreak sa ilang lugar sa Metro Manila kabilang na ang pitong baranggay sa Quezon City.