Proteksyon hiniling ng grupo ng mga alkalde sa PNP

Kinondena ng Negros Occidental Association of Chief Executives (ACE) at League of Municipalities in the Philippines ang pagpatay kina Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Sa kanilang joint meeting sa Bacolod City, hiniling ng dalawang grupo ng mga alkalde na bigyan sila ng proteksyon ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Victorias City Mayor Francis Frederick Palanca, chairman ng Negros ACE, responsibilidad ng pulisya na resolbahin ang mga krimen, sangkot man o hindi sa droga ang pinatay na lokal na opisyal.

Hiniling din ni Palanca sa PNP na huwag hayaang mangyari ang katulad na insidente sa Negros Occidental.

Samantala, sinabi ni Pontevedra Mayor Jose Benito Alonso, presidente ng LMP-Negros Occidental, hindi lubusang nagagawa ng mga mayor ang kanilang trabaho lalo sa anti-crime operation at war on drugs dahil sa pangamba sa kanilang seguridad.

Nanawagan din ng mabilis na hustisya para kina Halili at Bote ang mga lokal na opisyal sa Negros Occidental.

Umaasa ang gobernador ng lalawigan na si Eugenio Jose Lacson na agad mareresolba ang mga kaso dahil hindi ito maganda sa imahe ng bansa.

Read more...