Wasak ang maraming bahay, dapa ang mga panamin, at maging ang ilang establisyimento gaya ng ospital ay hindi pinaligtas ng hagupit ng bagyong Lando sa Casiguran, Aurora.
Ilang araw ding hindi napasok ang Casiguran dahil lumubog sa tubig baha ang kalsada patungo sa nasabing bayan.
At nang magawa nang makapasok ng mga sasakyan, tumambad ang matinding pinsala ng bagyo.
Ang Casiguran District Hospital, bagaman hindi tuluyang nawasak ay natuklap naman ang bubong.
Ang mga bahay na yari sa kahoy, tuluyang pinadapa ng bagyo. At maging ang mga punong buko ay nagawang pabagsakin ng hagupit at lakas ng hangin ng bagyong Lando.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sa isa sa mga residente sa Casiguran na si Mon Matias, sinabi nitong matindi ang lakas ng hangin na tumama sa kanilang bayan. “Ang hangin malakas halos hindi mo mawari kung saan nanggagaling, sinira niya (Lando) ang lahat ng kabuhayan namin dito” ayon kay Matias.
Ang bahay ng pamilya Matias wasak at halos walang natira. Aniya, sa kabila ng nangyari sa kanilang kabuyahan, mabuting walang nasaktan isa man sa kaniyang pamilya.
Ang Casiguran at iba pang bayan sa Aurora ay ilang oras na binayo ng bagyong Lando mula noong Biyernes ng gabi.